Posted by Pahatag ng Migrante
28/05/2014
Tula Nina: Demetrio Ragudo Rafanan at Daisy Cambi
Sa tabi ng dagat, hindi ng aming palayan,
Habang nakatingin sa laot nitong bayang dayuhan.
Bumabalik ,ala-ala ng iniwang mahal nating bayan.
Napatulala’t napailing sa nagbalik na mga nakaraan.
Oo, ang tinakasang malalang kahirapan at karahasan,
Nakita ko at nasaksihan sa mga magsasaka sa kabukiran.
Habang patuloy na nagbabalik sa ala-ala,
Mga pawisang mukha ng mga mangagawang dukha,
Pagdaka’y napatoon sa isang ibon aking mga mata,
Lumilipad, naglalaro sa hangin , tunay na napakalaya,
Napag-isip katayuan ng kalayaan sa ating bansa,
Sa loob-loob ay naitanong, “May kalayaan nga ba talaga?”
Malayo ang tanaw nang isang alon ang bumigla,
Muli, ako’y napalinga, napagtantong nag-iisa
Maliban sa mga ibong padaan-daan sa tuwina
Naramdamang mga paa’y naabot ng tubig at nabasa,
Sa pagkagulat ay nasambit, naisigaw bigla.
“ Bayan ko!Perlas ng silangan, kumusta ka na?”
A, Bayan kong tinubuan, napakaunlad mo noong una,
Likas mong yama’y nakakainganyo sa iba’t ibang bansa,
Dahilan upang ika’y pag-agawan at pagnasaan nila,
Ngunit Bayan ko, ika’y ‘di natakot, ‘di nangamba
Pagkat sadyang lupa ka ng mga bayaning mandirigma,
Mga tagapagtangol, may isang sigaw, “ Bayang ito’y ipaglalaban!”.
Ano itong lumilipad, napakalaki, umuusok na lata?
A, nagising ako sa malalim na paggunita.
Iyun pala’y tulad ng sinakyan ko at ng marami pang iba.
Sa pangingibang bayan, kami ay napakarami na pala.
Mga anak ng bayang Maharlika sa iba’t ibang bansa.
Mga kagalinga’t katalinuha’y iba ang nakikinabang at nagtatamasa.
Sa katotohanan, ngayo’y ako ay mulat na,
Mga salitang demokrasya’t kalayaa’y huwad sa ating bansa,
Ginagamit ng iilan bilang kasangkapan nila,
Upang walang sagabal nilang pahirapan ang masa,
Pilit ibinabaon sa kahirapan ang bayang lumuluha,
Habang nagpapasa sila sa kayamanang hindi sa kanila.
Oo, Bayan ko, gumising at mamulat ka!
Sa araw ng kalayaan, Bakit kailangang magsaya?
Gayung poot, hinagpis at luha ang makikita,
Sa mga mata ng sambayanang sa kahirapa’y hindi makalaya.
Oo, Bayan ko, magpumiglas, kumilos ka!
Sa kahirapa’t kawalang katarunga’y maging tunay na Malaya!
No comments:
Post a Comment