Blog Archive

Thursday, July 3, 2014

BALITA: Nominasyon ni BS Aquino sa Nobel Peace Prize, kasuklam-suklam! -- Hustisya

    Hustisya Jul 02 06:25PM -0700

    BALITA
    3 July 2014
      
    Reference: Ernan Baldomero, pangalawang tagapangulo, Hustisya #+63905-4732505


    Nominasyon ni BS Aquino sa Nobel Peace Prize, kasuklam-suklam! -- Hustisya
     
     

    “Nakasusuklam ang gobyernong ito! Ang kapal ng mukha na magsabing karapat-dapat ito na maihalal sa Nobel Peace Prize samantalang patuloy na pinapaslang ang mga tumutuligsa sa kanilang mga patakarang kontra sa mamamayan,” pahayag ni Ernan Baldomero, pangalawang tagapangulo ng Hustisya, sa balitang nominasyon ni Pang. BS Aquino sa prestihiyosong Nobel Peace Prize.

     
    Ayon sa samahan ng mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings, hindi katanggap-tanggap kahit nominasyon lang ni Pang. Aquino samantalang ang gobyerno nito mismo ang “umiiwas na lutasin ang ugat ng armadong tunggalian para sa tunay na landas ng kapayapaan” sa bansa.


    “Pinatatahimik ng gobyernong Aquino ang mga mamamayang lumalaban sa mga patakaran nito na para lang sa ganansya ng iilang nakaluklok sa kapangyarihan at mga kasapakat nitong malalaking negosyante. Pinatatahimik ang mga nagsisiwalat ng mga anomalya’t pandarambong sa kaban ng yaman ng bansa. Ito ba ang ipinapangalalandakang tagapagtayugod ng “kapayapaan”? tanong ni Baldomero. “Inutil ang gobyernong Aquino sa pagkakaloob ng hustisya sa mga biktima ng nagdaang administrasyon. Kinakanlong at pinararangalan pa ang mga lumalapastangan sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino. Masahol pa, lalong dumarami ang mga biktima!” aniya.
     

    Mula nang paslangin si Fernando Baldomero, ama ni Ernan, at unang biktima ng extrajudicial killing sa ilalim ng gobyerno ni Noynoy Aquino, umabot na sa 199 katao ang pinaslang, 24 dito ay pinatay sa unang hati ng taong 2014. Mayroon pang 202 biktima ng frustrated extrajudicial killings, na mahigit pa sa bilang ng mga pinaslang.


    “Isang aktibista, isang ordinaryong mamamayan ang pinapatay kada linggo sa loob ng apat na taong panunungkulan ni Noynoy Aquino. Ito ba ang tagapamandila ng kapayapaan? Naghahasik ng digma si Noynoy sa mga mamamayang naninindigan para sa hustisyang panlipunan sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan!” dagdag pa ni Baldomero.
     

    Kamakailan, tinuligsa rin ng Hustisya ang iginawad na parangal kay AFP chief Gen. Emmanuel Bautista bilang UP outstanding alumnus on peace and social cohesion dahil si Bautista ang utak at tagapagpatupad ng Oplan Bayanihan, ang kontra-insurhensya patakaran ng gobyernong Aquino.
     

    Sa tingin ng grupo, nagkukumahog ang gobyernong Aquino sa pagpapaganda ng imahen sa international community, para pagtakpan ang ginagawa nitong panunupil sa mamamayan.
     

    “Apat na taon na si Aquino sa katungkulan pero lumipad na sa hangin ang pangako nitong hustisya sa mga biktima mula pa noong panahon ni Arroyo. Talagang wala itong interes na panagutin ang mga maysala dahil ang gusto lang nito ay ubusin ang mga tumutunggali dito,” sabi ni Baldomero.


    Sa Hulyo 7, magkakaroon ng isang pambansang pagkilos ang mga pamilya ng mga biktima ng pagpaslang para kondenahin ang paparaming bilang ng extrajudicial killings sa ilalim ni Aquino. Sa Maynila, magmamartsa ang mga biktima kasama ang iba’t ibang grupo sa karapatang pantao sa Mendiola. ###

    --
    Hustisya National Office
    2/F #1 Maaralin cor. Matatag Sts.
    Central District, Diliman
    Quezon City 1100 Philippines

    Telephone: +632-434-7486 | +632-435-4146
    E-mail: hustisya.national@gmail.com

No comments:

Post a Comment