Blog Archive

Friday, October 3, 2014

Message | Mensahe ng Migrante Europe sa Filipino Domestic Workers' Association (FDWA)-UK

Posted by Belarmino Dabalos Saguing
Rome, Italy October 3, 2014



Isang mainit na pagbati ang ipinaaabot ng MIGRANTE Europe sampu ng mga organisasyon sa network nito, sa pamunuan at kasapian ng Filipino Domestic Workers Association (FDWA) ng London, UK, sa kanilang taunang pangkalahatang pagpupulong na gaganapin sa ika-5 ng Oktubre 2014.

Ang inyong tema: palakasin, pahigpitin, palawakin ang ugnayan ng migranteng kasambahay! Ay tunay na sumasalamin hindi lamang sa adhikain ng FDWA, kundi ng iba pang organisasyon ng mga migrante sa Europe na kabilang ang mga kasambahay sa kanilang hanay.

Ang mismong pagkakatatag ng FDWA ay indikasyon ng nagsisimulang paglakas ng isang kilusan sa hanay ng mga kasambahay na hindi lamang nagsusulong ng mga pang-kagalingan at pang-karapatang mga usapin kundi ng iba pang malalawak na isyung dumuduro sa kalagayan ng mga migranteng Pilipino sa UK. Tunguhin nito na abutin ang pinakamalawak na bilang hindi lamang ng mga kababayang kasambahay kundi ng iba pang lahing nasa gayun ding hanapabuhay at sitwasyon.

Mahalaga din ang pakikipagkaisa ng FDWA sa iba pang tunay na maka-migrante at progresibong mga organisasyon at institusyon dahil tuntungan ito upang mas lalo pang maisulong ang mga layunin nito at gawain para sa mga kasambahay, para sa mga migrante, at para sa mga kababaihan.

Tiyak namin na higit pang pagpapalakas at konsolidasyon ang maabot ng FDWA sa kanilang gaganaping pagpupulong, at higit pang paglawak at pagsulong sa mga darating pang mga buwan at taon, hanggang sa maabot nito hindi lamang na maging pangalan ng sambahayan (household name), kundi maging isang “trademark” ng buong kilusang migrante sa UK.

Mabuhay ang FDWA!
Mabuhay ang migranteng Pilipino!


MIGRANTE Europe
Amsterdam, The Netherlands
Postbus 15687, 1001 ND Amsterdam

No comments:

Post a Comment